Report na may ghost flood control projects sa Bulacan, kinumpirma ng DPWH

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na may mga natanggap silang report na hinihinalang ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan partikular sa Bulacan First Engineering District Office.

Sa pagtatanong ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, tinukoy ng senador na may ulat na natanggap ang kanyang opisina na mayroong ghost projects sa Calumpit, Malolos at Hagonoy sa Bulacan.

Tinukoy din sa imbestigasyon na ang contractor ng mga flood control projects sa Bulacan ay nakuha ng Wawao Builders.

Ayon kay Bonoan, aabot sa 85 projects ang nakuha ng Wawao Builders sa probinsya ng Bulacan na aabot sa P5.971 billion.

Gayunman, hindi naman direktang matanong ang contractor dahil hindi ito dumalo sa pagdinig ngayong araw.

Iniimbestigahan naman ng DPWH ang mga natanggap na reports ng ghost projects at inaasahang matatapos ang pagsisiyasat ng ahensya sa mga susunod na linggo.

Sakali namang mapatunayang ghost projects nga ang mga ito, tiniyak ni Bonoan sa Senado na sasampahan agad ng kaso at pananagutin ang mga nasa likod ng mga guni-guning projects.

Facebook Comments