Report ng 5-man advisory group, nire-review na ng NAPOLCOM; 36 na mga opisyal, nakitaan ng koneksyon sa iligal na droga

Binubusisi na ngayon ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang report ng 5-man advisory group kaugnay sa mga opisyal ng PNP na isinasangkot sa iligal na droga.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, natapos na noong nakaraang Huwebes ang vetting process ng 5-man advisory group.

917 mula sa 953 na mga koronel at heneral ang nalinis na at ang natitirang 36 na opisyal ang sasalang pa muli sa review.


Paliwanag ni Fajardo, may kapangyarihan ang NAPOLCOM na magrebisa o magbago sa findings ng advisory group dahil tanging rekomendasyon lamang ang ginawa ng advisory group.

Kapag naisapinal na ang rekomensasyon, isusumite naman ng NAPOLCOM ang buong report kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya namang magdedesisyon sa kung sinu-sinong mga courtesy resignations ang tatanggapin.

Una nang sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na ipinauubaya na niya kay Pangulong Marcos kung isasapubliko ang report at kung papangalanan ang mga opisyal na dawit sa kalakaran ng iligal na droga.

Facebook Comments