Binatikos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang report ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Fatou Bensouda.
Ito ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng basehan para paniwalaang nagkaroon ng abuso sa kampanya laban sa ilegal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang nasabing report ay peke, may kinikilangan at walang matibay na basehan.
Sa halip na aksayahin ang oras at resources sa walang kwentang report, pinayuhan ni Año ang prosecutor na pagtuunan ang pagbibigay hustisya sa mga biktima ng mga matitinding krimen sa international community na patuloy pa ring lumalaganap.
Iginiit ni Año na patuloy na gumagana ang judicial system ng bansa at anumang abuso sa pagpapatupad ng war on drugs ay malayang isasalang, didinggin at pagpapasyahan ng Philippine courts.
Binigyang diin pa ng kalihim ang pagtataguyod ng presumption of regularity sa performance of duty ng mga pulis.
Hindi rin maaaring gumulong ang formal proceedings ng ICC lalo na at wala sa hurisdiksyon nito ang Pilipinas na kumalas sa ICC noong Marso.
Bilang tagapagbantay ng public order, safety at good governance, ang DILG katuwang ang National Police Commission (NPC), at Philippine National Police (PNP) ay nagsasagawa ng internal cleansing program sa hanay ng pulisya.