Manila, Philippines – Pumalag ang Palasyo ng Malacañang sa inilabas na ulat ng United Nations Special Rapporteur tungkol sa kalagayan ng kaparapatang pantao ng ilang personalidad sa bansa.
Tinutukoy kasi ng report ay sina Senador Leila de Lima, Dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Rappler CEO Maria Ressa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, walang batayan ang inilabas na report ng Special Rapporteur dahil puro peke ang impormasyon na hawak nito na mula sa mga partisan groups upang makakuha ang mga ito na simpatiya at para mabanatan din ang administrasyon.
Batay sa report ay ang pagpapakulong kay Senador de Lima, pagpapatalsik kay Sereno at pagsasampa ng kaso laban kah Ressa ay malinaw na hakbang ng administrasyon para patahimikin ang mga ito sa pagbanat.
Binigyang diin ni Panelo na ang mga nangyayari sa tatlong personalidad ay dahil narin sa kanilang sariling kagagawan at walang kasalanan dito ang administrasyon.
Paliwanag ni Panelo, ang pagkakakulong ni de Lima ay dahil sa paglaganap ng iligal na droga noong siya ay kalihim pa ng Department of Justice.
Si Sereno naman aniya ay nabigong magsumite ng kanyang kumpletong kopya ng Statement of Assets Liabilities and Net worth o SALN.
Habang si Ressa naman aniya ay hindi nakapagbayad ng tamang buwis at naglabas ng mga maling artikulo na nakasama sa imahe ng isang pribadong indibidwal.
Kaya naman sinabi ni Panelo na malinaw na hindi dapat inisisisi sa administrasyon ang kinakaharap ng mga nabanggit na indibidwal dahil sila ang may kasalanan nito.
Binigyang diin ni Panelo na ang ginagawa lang ng Administrasyon ay ipatupad ang umiiral na batas.