Report ng Task Force PhilHealth, handa nang isumite kay Pangulong Duterte sa September 14 ayon sa DOJ

Nakatakda nang magtapos sa susunod na linggo ang isinasagawang pagdinig ng task force na sumisiyasat sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Task Force PhilHealth Chief at Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, pagsasama-samahin ang lahat ng impormasyon at ebidensyang kanilang nakalap.

Pagkatapos aniya nito ay ihahanda na nila ang report na may rekomendasyong ipapadala kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Ang deadline sa pagpasa ng kanilang report ay sa September 14, pero magpapatuloy pa rin ang kanilang composite teams sa kanilang imbestigasyon sa mga mas kumplikadong kaso ng graft at fraud sa PhilHealth at maghain ng kaukulang legal na hakbang.

Sinabi naman ni Justice Undersecretary Markk Perete, inimbitahan ng task force sa kanilang mga pagdinig ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth.

Nasa 12 testigo na ang kanilang napakinggan.

Isa pang testing ang kumpirmadong haharap sa susunod na hearing ng task force sa Lunes, September 7.

Facebook Comments