Report sa imbestigasyon sa PhilHealth anomalies, target maisumite ng task force kay Pangulong Duterte sa September 14

Target ng binuong Inter-Agency Task Force ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisumite ang report ng isinagawa nitong imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa September 14.

Sa isang panayam, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Usec. Markk Perete na pipilitin ng task force na maabot ang 30-day deadline na ibinigay ng Pangulo.

Aniya, nagiging cooperative naman sa kanilang imbestigasyon ang mga witness pero ilang documentary evidence ang hindi pa rin nila makuha dahil sa preventive suspension na ipinataw sa ilang opisyal ng PhilHealth.


Bumuo rin ang task force ng dalawang composite team na siyang pupunta mismo sa ahensya para kumuha ng mga record at i-validate ang naging testimonya ng mga witness.

Partikular na binubusisi ng task force ang mga claim na hindi napipigilan ng IT system ng PhilHealth ang fraud gayundin ang maliit na bilang ng mga kasong administratibo at criminal na naisampa laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensya.

Sa ngayon, balak ng task force na irekomendang magkaroon ng balasahan sa buong sistema ng PhilHealth para maresolba ang mga isyu ng iregularidad.

Samantala, ayon pa kay Perete, kahit makapagsumite na sila ng ulat kay Pangulong Duterte, posibleng magpatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kahit tapos na ang ibinigay sa kanilang 30-day period.

Facebook Comments