Animnapung araw o dalawang buwang suspension ang ipinataw ng mababang kapulungan kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnulfo “Arnie” Teves dahil sa patuloy nitong absence without leave sa plenary sessions at committee hearings.
Ang nabanggit na disciplinary action ay nakapaloob sa Committee Report No. 472 ng Committee on Ethics and Privileges na pinamumunuan ni COOP NATCO Party-list Rep. Felimon Espares.
292 mga mambabatas ang bomoto pabor sa suspensyon kay Teves bunsod ng kabiguan nitong bumalik ng bansa sa kabila ng paghimok ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng komite na umuwi na ito at pisikal na dumalo sa pagdinig ng Kamara.
Pinayuhan din ni Romualdez si Teves na harapin ang pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
March 9 ng mapaso ang travel authority ni Teves para sa byahe niya sa Amerika simula noong February 28.
Siniguro naman ni Speaker Romualdez na dumaan sa due process ang desisyon ng Kamara sa kaso ni Teves kung saan maraming pagkakataon ang ibinigay dito para personal na ipaliwanag ang kanyang panig sa mga mambabatas.