Representative Barbers, nanawagan sa US na maghigpit sa borders para walang iligal na droga ang makalusot patungo sa ibang bansa

Nanawagan si Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa United States Customs and Border Protection na higpitan pa ang pagbabantay laban sa iligal na droga na maaring makalusot at makapasok sa ibang bansa tulad sa Pilipinas.

Mensahe ito ni Barbers kasunod ng pagka-aresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kay Juanito Jose Diaz Remulla III kaugnay sa shipment na nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naglalaman ng P1.3 million na halaga ng high-grade marijuana mula sa US.

Si Remulla III ay dinakip dahil sa pagtanggap ng high grade marijuana sa pamamagitan ng “snail mail” mula San Diego, California.


Dahil dito ay malaking tanong para kay Barbers kung pinapayagan ba ng US Customs and Border Protection ang pagpapadala ng iligal na kontrabando sa ibang bansa katulad ng Pilipinas.

Naghihinala si Barbers na baka mayroong kapalpakan na nangyari sa US Customs and Border Protection kaya nakalabas ang nabanggit na iligal na droga mula sa sa kanila.

Kasabay nito ay pinayuhan ni Barbers ang mamamayang Pilipino na maging mapagmatyag dahil higit na dumarami ngayon ang paraan ng mga drug trafficker para maikalat ang illegal drugs.

Facebook Comments