Representative Castro, pinag-aaralan kung dapat mag-imbestiga ang Kamara ukol sa pag-aresto sa anak ni Secretary Remulla

Pinag-aaralan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang paghahain ng resolusyon para pa-imbestigahan sa Kamara ang pag-aresto sa anak ni Justice Secretary Boying Remulla dahil sa iligal na droga.

Ito ay dahil sa tingin ni Castro, tila may ‘double standards’ sa paghawak sa kaso ng anak ni Remulla kumpara sa kaso ni dating Senator Leila de Lima na mahigit limang taon nang nakabilanggo dahil lamang sa umano sa mga nilutong testimonya ng mga pekeng testigo.

Diin ni Castro, lalong malinaw na hindi ito patas para sa libo-libong pinatay sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.


Ipinunto ni Castro na October 11 pa inaresto ang anak ni Remulla pero isinabubliko lang ito nitong October 13.

Dagdag pa ni Castro, kung hindi ito anak ni Sec. Boying ay malamang isinama na agad ang media sa drug operation at lumabas agad ang balita ng pagkahuli rito o mas malala ay baka napatay na ito agad at sasabihing nanlaban lang.

Bunsod nito ay iginiit ni Castro sa Marcos Jr. administration na huwag magbigay ng espesyal na patrato sa kaso at tiyaking masusunod ang itinatakda ng batas sa pagpapataw ng kaparusahan.

Facebook Comments