Representatives Arroyo at Ungab, tinanggal na sa pagiging deputy speakers ng Kamara

Inalis na sa pagiging Deputy Speakers ng Kamara sina dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City Rep. Isidro Ungab.

 

Ginawa ang pagtanggal kay Arroyo sa house leadership isang araw matapos na maghayag si Speaker Martin Romualdez na lalabanan ang sinuman na sisira sa reputasyon ng Kamara at kasunod na rin ng pagpapangalan ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang sumisira sa mababang kapulungan matapos nitong sabihin na ang Kamara ang pinakabulok na institusyon.

 

Sina Macapagal-Arroyo at Ungab ay pinalitan nila Isabela Rep. Tonypet Albano at Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong.


 

Ayon pa kay House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, nag-ugat din ang desisyon na tanggalin na sa pagiging Deputy Speakers sina Arroyo at Ungab dahil nang magbotohan para sa resolusyon na naghahayag ng suporta sa liderato ni Romualdez, tanging ang dalawa sa siyam na Deputy Speakers ang hindi lumagda sa resolusyon na inisponsoran ng buong leadership.

 

Sa pahayag ni Ungab, sinabi niyang tanggap niya ang kanyang kapalaran at mananatili siyang nakasuporta sa Marcos administration.

 

Samantala, maglalabas naman ng kanyang statement si Arroyo tungkol sa nasabing isyu.

Facebook Comments