Reproduction number ng COVID-19 sa NCR, umakyat na sa 1.06 ayon sa OCTA Research

Lumampas na sa 1.0 ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region.

Batay sa inilabas na datos ng University of the Philippines OCTA Research team, nasa 1.06 na ang R-naught sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa naitala na 0.8 reproduction number bago magpasko.

Ang pagtaas ng R-naught ay indikasyon na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa isang lugar kung saan nasa average 600 per day na ang nahahawa ng virus sa Metro Manila.


Mas mataas aniya ito sa naitala na 295 na kaso kada araw bago ang holidays season.

Kaya babala ng OCTA Research sa mga Local Government Unit, baguhin ang mga ipinapatupad na health standard at mas mahigpit na ipatupad ito upang mapababa ang kaso ng COVID-19.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Department of Health hinggil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 noong nakaraang Pasko at Bagong Taon o holidays surge.

Pero kahapon, umakyat na sa 487,690 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan halos 2,000 ang naitalang bagong kumpirmadong kaso ng virus.

Facebook Comments