Sa kabila nang pagsasailalim sa Metro Manila sa 2 linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ), nananatiling mataas ang kaso at hawaan ng virus sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na umaabot na sa 1.85 ang reproduction rate ng virus sa kalakhang Maynila.
Sinabi pa nito na patuloy pa ring tataas ang kaso dahil maging sa kalapit na lalawigan ng NCR ay nanantiling mataas ang COVID-19 cases kabilang na rito ang Laguna, Cavite, Batangas, Rizal at Central Luzon.
Ani David, nasa 4 hanggang 5 linggo pa bago tuluyang maramdaman ang ECQ sa Metro Manila.
Kinakailangan lamang magtulungan ang lahat nang sa ganon ay mapababa ang kaso o mapigilan ang mabilis na hawaan.
Sa usapin naman ng ECQ extension, ipinauubaya na ng OCTA sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon hinggil dito dahil lahat naman aniya ng desisyon nito ay naka-angkla sa datos at siyensya.