Pumalo na sa 1.35 ang reproduction number sa Metro Manila sa gitna ng pagkalat ng nakakahawang Delta variant ng COVID-19.
Batay sa report ng OCTA Research group, naitala ito mula sa July 22 hanggang 28 kung saan umakyat din sa 29% o 1,041 ang daily average rate.
Indikasyon naman ang pagtaas na patuloy ng transmission ng virus.
Maliban sa reproduction rate, umabot din sa 8% ang positivity rate sa kabila ng pananatili sa safe levels ng hospital bed utilization at ICU utilization.
Sa ngayon, nagbabala na ang ilang eksperto na pataasin pa ang herd immunity sa bansa upang matugunan ang posibleng pagkalat ng Delta variant.
Paliwanag kasi ni Dr. Nina Gloriani, vaccine expert mula sa Department of Science and Technology (DOST), kailangan nang paabutin sa 85% hanggang 99% ang pagbabakuna mula sa target na 60 hanggang 70%.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit.
Samantala, kaugnay naman sa kumakalat na hindi magandang pag-aaral sa virus ay ipinayo ni Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng Technical Advisory Group on COVID-19 ang pagkakaroon ng tunay na eksperto sa halip na epistemic trespassers.
Makakatulong kasi aniya ito sa pangungumbinsing magpabakuna na at hindi magdudulot ng panic at takot sa publiko.