Reproduction number sa NCR, bumaba sa 1.16 – OCTA Research

Bumaba pa ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila pero magpapatuloy pa rin ang mataas na bilang ng kaso sa mga susunod na linggo.

Sa report ng OCTA Research Group, bumaba sa 1.16 ang reproduction number sa Metro Manila mula April 9 hanggang 15.

Nagkaroon ng downward trend sa mga lungsod ng Pasay, Manila, Marikina, Taguig at Mandaluyong.


Sa average na 5,085 cases kada araw nitong mga nagdaang linggo, ang growth rate sa Metro Manila ay nasa negative (-) 0.4 percent.

Ang positivity rate sa rehiyon ay nasa 24-percent mula sa 25-percent noong nagdaang linggo.

Sa kabila nito, patuloy pa ring makakapagtala ng mataas na bilang ng kaso, ibig sabihin ay hindi pa inaasahang luluwag ang mga ospital sa NCR.

Ang hospital bed occupancy sa Metro Manila ay nasa 65-percent habang ang intensive care unit utilization ay nasa 85-percent.

Payo ng OCTA Research na manatiling sumunod sa health guidelines para mapigilan ang pagkalat ng virus sa rehiyon.

Facebook Comments