Nakitaan ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases ang National Capital Region (NCR) at maraming probinsya sa bansa.
Pero ayon sa OCTA Research group, kritikal ang reproduction number o bilis ng hawaan ng virus sa Pudtol, Apayao at Santa Ana, Cagayan.
Sa datos ng grupo, naitala ang 3.80 reproduction number sa Pudtol habang 2.17 naman sa Santa Ana noong November 5.
Nasa 128.05 ang average daily attack rate (ADAR) o bilang ng naitatalang bagong kaso kada 100,000 populasyon sa Pudtol at 51.01 naman sa Santa Ana.
Noong November 4, sagad na rin sa 100% ang healthcare utilization rate sa Santa Ana na itinuturing ding kritikal.
Pagdating naman sa average testing positivity rate, maituturing ding kritikal mula October 29 hanggang November 4 ang mga sumusunod na lugar:
Tuguegarao – 35%
Lubang, Occidental Mindoro – 35%
Santa Ana – 33%
Puerto Princesa – 31%
Dumaguete – 30%
Ayon sa OCTA nasa downward trend na rin ang Dumaguete at Lubang na dating mga areas of concern.
Samantala, sa mga lugar sa labas ng NCR, ang Zamboanga City ang nakapagtala ng pinakamataas na daily average ng bagong kaso ng COVID-19 na nasa 86, sinundad ng Baguio City, 74.
Bukod sa Zamboanga City at Baguio City, nasa moderate risk din ng COVID-19 ang Bacolod, Tuguegarao at Puerto Princesa.
Nasa low risk na ang Davao City at Antipolo.