Reproductive rate ng COVID-19 sa Metro Manila, bumagal; pero laban kontra sa pandemya, matagal-tagal pa ayon sa mga eksperto ng UP-Diliman

Kinumpirma ni Professor Guido David ng University of the Philippines (UP) – Diliman Institute of Mathematics na bumaba na ang infection rate o reproductive rate ng COVID-19 sa Metro Manila.

Aniya, base sa kanilang pagsasaliksik, maliit na bilang na lamang ng COVID patients sa National Capital Region (NCR) ang nasa kritikal na kalagayan at karamihan ay nasa mild na lamang at asymptomatic conditions.

Bumaba na rin ang bilang ng mga nako-confine sa mga ospital dahil tumataas na ang bilang ng mga gumagaling o recoveries sa COVID-19.


Sa kabilang dako, pinapayuhan naman ni Prof. David ang mga taga-Cebu na maging maingat dahil sa muli na namang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lugar.

Nangangahulugan ito na kumakalat pa ang virus sa Cebu.

Samantala, inihayag naman ni Prof. Ranjit Rye ng UP-Diliman Department of Political Science na malayo-layo pa ang laban kontra COVID-19 kaya hindi dapat maging kampante ang publiko.

Aniya, mahalaga pa rin ang mahigpit na pagsunod sa health protocols ng gobyerno lalo na ang social distancing na may malaking ambag para hindi kumalat ang virus.

Inihalimbawa ni Prof. Rye ang ginawa ng ibang bansa na hindi nagpatupad ng lockdown pero mabilis nakontrol ang pagkalat ng sakit dahil sa social distancing.

Ugaliin din ang pagsusuot ng face mask, kalinisan sa katawan at makipagtulungan sa protocols ng Local Government Units (LGUs).

Pinayuhan din ni Prof. Rye ang gobyerno na paigtingin pa rin ang contact tracing dahil malaking bagay ito para mapababa ang kaso ng virus.

Facebook Comments