Ipinarerekunsidera ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang requirement nito na paglalagay ng barrier o harang sa pag-angkas sa motor ng mga mag-asawa o couples.
Hiniling ni Ong sa IATF na ibasura ang requirement na paglalagay ng divider o shield sa motor dahil bukod sa walang pakinabang at impraktikal ay delikado pa ito sa mga motorista at pedestrians.
Bagamat ikinatuwa ni Ong na ikinunsidera ang kanyang panawagan na payagan ang pag-angkas ng mga mag-asawa sa motor, hindi naman siya kumbinsido na mapoprotektahan ang mga motorista laban sa sakit sa pamamagitan ng paglalagay ng harang.
Balewala aniya ito dahil ang mga mag-asawa o couple ay magkasama rin sa loob ng bahay.
Sa halip na paglalagay ng divider o shield sa motor, inirekomenda ni Ong na gawing requirement sa mga mag-asawa na angkas ng motor na magsuot ng full face helmets, face masks, long sleeves shirts o jackets, long pants, gloves at closed shoes.
Dagdag pa ni Ong, nagiging ugat lamang din ng pangongotong at korapsyon ng mga traffic enforcer kapag nakita ang motorista na hindi nakapaglagay ng divider sa motor.