Inamin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na maraming pulis ngayon ang bagsak sa kanilang Body Mass Index (BMI).
Ang BMI ay ang nararapat na timbang ng mga pulis depende sa kanilang height kaya ibig sabihin nito marami sa mga pulis ang tumaba dahil sa tagal ng lockdown.
Sa memorandum ni Police Major General Rolando Hinanay ng PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), inirekomenda niya na suspendihin ang requirement ng BMI para sa promotion ng mga pulis.
Naniniwala si Hinanay na mahalaga sa panahon ngayon na malusog at malakas ang mga kanilang tauhan.
Pero marami aniya sa mga pulis ngayon ang hindi kayang maabot ang kanilang BMI o tamang timbang dahil sa kawalan ng exercise nang nagsimula ang pandemya.
Aniya ang mga nasa frontline sa mga checkpoint at police stations ay hindi rin kayang mapanatili ang kanilang BMI dahil sa tindi ng kanilang trabaho nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Hindi rin umano inirerekomenda ang biglaang pagpapayat para lang makuha ang nararapat na BMI dahil delikado ito sa kalusugan ng mga pulis.
Dahil dito, inirerekomenda niya na isuspinde muna ang requirement ng BMI para sa promotion ng isang pulis.