
Pinoproseso na ng Department of Justice (DOJ) ang aplikasyon sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) para sa Blue Notice laban kay Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Sa ambush interview sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig City, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na kinukumpleto na lamang nila ang mga kinakailangang requirements sa Interpol.
Nanindigan naman si Remulla na bagama’t may mga impormasyon sila sa kinaroroonan ni Co, hindi pa aniya ito maaaring arestuhin dahil wala pang warrant of arrest mula sa korte.
Nang tanungin naman kung saan haharap si Co pag-uwi ng Pilipinas at kung gusto nito magsalita, sinabi ni Remulla na ipauubaya na niya ito sa Ombudsman.
Itinuturing na aniyang person of interest si Co, gayundin ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ngayong araw ay nagtungo si Remulla sa ICI para magsumite ng mga affidavit mula sa kanilang resource persons kaugnay sa flood control scandal.









