Nais ng Inter-Agency Task Force (IATF) na i-standardize ang mga requirement para sa mga Pilipinong gustong bumisita sa local tourist destinations.
Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan na buksan ang ekonomiya na pinabagsak ng pandemya.
Ayon kay IATF Chairperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, pag-aaralan nila ang rekomendasyon para magkaroon na lamang ng uniform set ng requirements na ihihingi ng Local Government Units (LGUs) sa mga domestic tourist.
“But now, there are some proposals and recommendations na bakit hindi na lang natin gawin na iyong mga requirement na standard per LGU,” ani Nograles.
Pero nilinaw ni Nograles na mahalagang tanungin ang mga LGU dahil binigyan na sila ng awtoridad na magpatupad ng sarili nilang requirements.
Ang tanging magagawa sa ngayon ng IATF ay tiyaking hindi humihingi ang LGUs ng sobrang maraming requirements.
“IATF, through the regional IATF, will make sure na walang overbreath or hindi sobra-sobra iyong mga requirements sa mga minimum standards na kinakailangan at hinahanap ng IATF,” sabi ng Palace Official.
Pag-uusapan ng IATF ito kasama ang Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr) at Department of the Interior and Local Government (DILG).