Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Trade and Industry (DTI) na pagaanin ang mga requirement para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Mungkahi ito ni Pangilinan sa DTI makaraang mabatid na sa mahigit 40,000 mga maliliit na negosyo ang nag-aaplay ng utang ngayong may pandemya ay mahigit 31,000 lamang ang naaprubahan.
Ang programang pautang ay pinamamahalaan ng Small Business Corporation na nasa ilalim ng DTI at may pondo itong P10 bilyong alinsunod sa Bayanihan 2.
P6 na bilyong na naturong pondo ay para sa mge negosyante sa sektor ng turismo at 4 na bilyong piso para sa iba pang negosyo na nakarehistro sa DTI.
Ayon kay Pangilinan, dahil sa dami ng requirements ay marami ang hindi naaaprubahan o nagkakwalipika sa naturang pautang na malaking tulong sana sa mga negosyante ngayong may krisis.
Bukod dito ay hiniling din ni Pangilinan na isama sa programa ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga maliliit na negosyo tulad ng nagtitinda ng taho, fishball at buko sa mga lansangan.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi naman ni DTI Secretary Ramon Lopez na may mga improvement na silang ginawa para sa programang pautang habang nabigyan naman ng cash assistance na P5,000 hanggang P10,000 ang mga mahihirap na negosyante sa ilalim ng Bayanihan 2.