Patuloy ang pagkukumpuni ng mga tauhan ng Philippine National Railways (PNR) sa nadiskaril nitong tren sa pagitan ng Dela Rosa at EDSA stations sa Makati City kahapon.
Kanina umaga, dumating na rin sa site ang mga kawani ng pnr mula sa San Pedro at Biñan, Laguna.
Naitayo na ang harapang bahagi ng tren habang ginagamitan ng makinang pang-inkaril o rerailing equipment ang likurang bahagi nito.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Ibarra Mateo, Public Information Officer ng PNR, na ginagawa nila ang lahat para maisaayos ang tren at maibalik sa normal ang operasyon nito.
Ngayong araw, nagbukas ang PNR ng tig-tatlong biyahe para sa rutang Alabang to EDSA (10:23AM, 12:13PM AT 2:03 PM) at EDSA hanggang Tutuban (11:12AM, 1:02PM AT 2:52PM).
May biyahe rin mula Tutuban to Dela Rosa at vice versa pero sa mga limitadong oras lang.
Habang may tag-iisang biyahe sa mga rutang Tutuban-Governor Pascual-Tutuban; Governor Pascual-Dela Rosa-Governor Pascual; Lucena-San Pablo; San Pablo-Calamba; Naga-Sipocot at vice versa.