RERESPONDE SANA | 2 sundalo patay, 9 sugatan sa aksidente sa Pagadian City

Pagadian City – Patay ang dalawang sundalo habang siyam pa ang sugatan matapos na maaksidente sa Barangay Lourdes, Pagadian City nitong nakalipas na araw ng Biyernes.

Ayon kay 1st Infantry Division Spokesperson Major Richard Enciso, alas-10:15 ng gabi noong Biyernes sakay ng military truck ang mga sundalong kabilang sa 53rd Infantry Batallion ng Philippine Army at reresponde sana sa mga sugatang kasamahang nakipaglaban sa mga komunistang terorista sa Barangay Gasa, Lakewood.

Pero pagsapit sa may Barangay Lourdes Lakewood ay nawalan ng kontrol sa manibela ng military truck ang drayber nito dahilan para sila maaksidente.


Kinilala ang mga nasawi na sina Staff Sergeant Celerino Objero at Staff Sergeant Isgerie Papolonias.

Habang mga sugatan ay kinilalang sina Private George Bajo, Corporal Darryl Banares, Corporal Rodrigo Castillo, Corporal Melvin Colobong, Private First Class Jayson de Guzman, Sergeant Benjakar Kasim, Sergeant Roberto Rojas Francisco, Corporal Crisaldo Tan at CAFGU na si Romelson Tasa.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay si Brig. General Roseller Murillo, ang Commander ng 1st Infantry Division sa pamilya ng mga nasawing sundalo at tiniyak na ibibigay ang nararapat na benepisyo para sa mga ito.

Facebook Comments