Libre ang mga bakuna kontra COVID-19 na ituturok sa mga botika at klinika.
Ito ang pagtitiyak ni Testing Czar at Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon kasabay nang pag-arangkada bukas ng “Resbakuna sa mga Botika.”
Ayon kay Dizon sa ngayon 7 mga botika at klinika pa lamang sa National Capital Region (NCR) ang kasali sa pilot run pero makalipas ang isang linggo ay palalawigin na nila ito sa iba pang bahagi ng bansa.
Maliban sa ito ay libre, pwede rin aniya ang walk-in pero may registration pa sa mismong botika o klinika.
Ani Dizon, booster shot lamang ang ituturok sa mga botika pero sa mga klinika ay maaari kahit primary at 2nd dose.
Bukas January 20, magsisimula ang programa kung saan kasama dito ang Generika Drugstore sa Signal 1 sa Taguig, Mercury Drugstore Pres. Quirino branch, Southstar Drugstore sa Marikina at Watsons Pharmacy sa Pasig.
Habang sa Biyernes naman magsisimula sa Healthway Ermita Manila, QualiMed sa McKinley at the Generics Pharmacy sa Parañaque city.