Nakatakdang ilunsad sa darating na Huwebes at Biyernes, Jan 20 & 21, 2022 ang Resbakuna sa mga botika.
Sa ulat ni Testing Czar at Presidential adviser for COVID-19 response Secretary Vince Dizon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People, sinabi nitong napansin kasi nila na pagpasok ng Enero ay maraming mga health workers at vaccinators ang nagkakasakit narin o tinatamaan ng COVID-19 na nagiging dahilan ng pagbagal ng vaccination campaign ng pamahalaan.
Kasunod nito, agad silang nakipag pulong sa mga pharmaceutical companies at naging positibo naman aniya ang tugon ng mga ito.
Kabilang sa mga botika kung saan ilulunsad ang “Resbakuna sa mga botika” ay ang Mercury drugstore, Watsons, Rose Pharmacy, Southstar drugstore, Generika at iba pa.
Ani Dizon, isang linggo muna itong pilot run sa mga botika dito sa Metro Manila pero agad din namang ia-adopt sa mga botika sa iba’t ibang panig ng bansa.
Layon nitong mapabilis at mapadami pa ang mga mababakunahan sa bansa bunsod na rin nang nagpapatuloy na banta ng COVID-19.