Rescue mission sa loob ng KOJC compound, pinagpaplanuhan na ng PNP

Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad nang pagsasagawa ng rescue mission sa loob ng mismo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.

Ito ang sinabi ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo kasunod ng naging pahayag ng dalawang bagong complainants laban sa naarestong lider ng KOJC na si Apollo Quibuloy.

Ayon kay Fajardo, halos magkakatugma ang mga nakukuhang statement ng PNP sa umano’y mga naging biktima nang pangmomolestiya ni Quiboloy.


Ani Fajardo, base sa salaysay ng mga naunang biktima, marami pa umanong mga kabataan at mga kababaihan ang nasa loob ng KOJC compound na nais magsampa ng reklamo subalit natatakot o pinagbabantaan ang kanilang buhay.

Kabilang sa ginawang panakot sa mga ito ay ang Angels of Death na pinaniniwalang private armed group ni Quiboloy.

Kasunod nito, patuloy na panawagan ng PNP sa mga posibleng biktima pa ng pang momolestiya ni Quiboloy na lumantad at huwag matakot dahil poprotektahan sila ng Pambansang Pulisya.

Facebook Comments