Cauayan City, Isabela- Nagbigay ng paglilinaw si Ret. Col. Jimmy Rivera bilang Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer ng Isabela hinggil sa pagsasagawa ng rescue operation sa panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya, bawal aniya sa kanilang protocol ang pagsasagawa ng rescue operation sa oras ng gabi dahil sa malaking posibilidad na maaaring malagay sa panganib ang buhay ng rescuer.
Wala din aniyang sapat na ilaw o light resources ang mga rescuer kaya’t hindi rin nakikita ang mga debris lalo na kung malakas ang agos ng tubig.
Una rito, mayroon nang isinagawang pre-emptive deployment ang PDRRMC ilang araw bago pa man dumating at tumama ang kalamidad.
Base naman sa kanilang obserbasyon, marami sa mga mamamayan ang hindi marunong sumunod sa mga paabiso kung saan nagpapasaklolo na lamang ang mga ito sa gabi.
Gayunman, nagpapasalamat si Ret. Col Rivera sa mga rescue teams at sa mga katuwang na nagsagawa ng rescue dahil sa pagsasakripisyo mapa araw man o gabi para lamang masagip ang mga residenteng na-trap sa baha.
Panawagan naman nito sa publiko na kung may nagbigay na ng abiso o paalala ay lumikas na at huwag magpakampante upang hindi na muling maulit ang matinding naranasan ng marami.