Nagpapatuloy ang ginagawang rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga residente ng Davao Region na naapektuhan ng mga pagbaha dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa PCG, nasa mahigit 150 na residente ng mga Barangay Don Chicote, Barangay Poblacion, Barangay Anitap, at Barangay Tibanban na matatagpuan sa Governor Generoso, Davao Oriental ang kanilang nailikas.
Agad na dinala ang mga ito sa pinakamalapit na evacuation center, sa tulong ng PDRRMO, MDRRMO, PNP, BFP, at PA.
Matatandaang sa datos ng Office of Civil Defense (OCD) ay nasa 70,862 na mga pamilya na ang apektado ng mga pagbaha, pagguho ng lupa at pag-apaw ng mga ilog mula pa noong Lunes.
Nananatili namang naka-standby ang PCG upang agarang makapagbigay ng kinakailangang serbisyo sa mga pamilyang na-trap sa kani-kanilang tahanan kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng shear line.