Patuloy ngayon ang rescue operation at safety inspection sa mga lugar sa Mindanao na napinsala sa pagtama ng magnitude 6.6 na lindol sa Tulunan, North Cotabato.
Sa mismong sentro ng lindol sa bayan ng Tulunan, sinabi ni North Cotabato Governor Emily Lou Mendoza na agad na naglabasan ang mga residente matapos maramdaman ang malalakas na pagyanig.
May mga tahanan at instraktura din ang bahagyang nag-collapse habang tuluyan nang gumuho ang iba na dati nang may mga bitak.
Sa General Santos City, nasunog ang isang hotel matapos ang pagtama ng lindol habang agad naman inilabas ng pagamutan ang mga pasyente sa Saint Elizabeth Hospital.
Sa Davao City, nagkaroon ng malalaking bitak ang gusali ng Felcris Centrale sa Talomo habang naglabasan ang mga estudyante sa Ateneo de Davao University.
Tuluyan nang gumuho ang isang parte ng paaralan sa Digos City, Davao del Sur.
Sa interview ng RMN Manila, nagbabala si National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesman Mark Timbal sa publiko na huwag basta – basta pumasok sa mga gusali dahil sa posibilidad na gumuho ang mga ito.
Sa ngayon ay wala naman naitatala na casualty sa malakas na pagyanig.