Cauayan City – Dahil sa sunud-sunod na nararanasang kalamidad at tuluy-tuloy na pagrespunde, nagkakasakit na ang mga rescuers sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office Head na si Dr. Ramirez, dahil sa pagkababad sa tubig at pagkabasa sa ulan tuwing sila ay rumerespunde, nakararanas na ng sama ng pakiramdam at fatigue ang mga responders sa siyudad.
Aniya, isa sa dahilan ng pagkakasakit ng mga responders ay nang sila ay maulanan matapos ang paulit-ulit na pagbalik sa ilang mga lugar sa lungsod upang hikayatin ang mga residente na lumikas na.
Sinabi ni Ramirez na posibleng hindi muna pabalikin sa kanilang mga tahanan ang kasalukuyang mga evacuees dahil sa banta ng paparating na mga bagyo kung saan maaaring muling makaranas ng pagbaha dahil mataas pa rin ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge.
Nananawagan naman ngayon ang LGU Tuguegarao sa mga residente na makipagtulungan sa mga kanila at sundin ang abiso ng kinauukulan upang mapanatili ang kanilang kaligtasan ngayong panahon ng sakuna.