Nanawagan si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na magtakda ng mga kaukulang hakbang para mapangasiwaan kung hindi man maiwasan ang mga brownout sa panahon ng botohan sa susunod na buwan.
Nababahala si Marcos na hanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan ang kakayanan ng suplay ng kuryente bago at pagkatapos ng mismong araw ng botohan.
Sabi ni Marcos, ito ay dahil sa magkakaibang pahayag ng Department of Energy (DOE) at mga pribadong grupo kabilang ang mga non-governmental organization Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC).
Tinukoy ni Marcos ang sinabi ng DOE na walang indikasyong magaganap ang yellow o red alert sa suplay ng kuryente sa Mayo pero maaring tumaas bigla ang pangangailangan o demand dalawang linggo pagkatapos ng eleksyon.
Binanggit ni Marcos na base naman sa pagtaya ng ICSC, kakapusin ng 1,335 megawatt ang suplay ng kuryente sa Luzon sa pagitan ng Abril hanggang Hunyo kung kailan tumataas ang demand taon-taon.
Duda si Marcos na kayang madagdagan ang suplay ng kuryente sa panahon ng eleksyon dahil wala pang naisasapinal and DOE at National Grid Corporation na hakbang sa pangongontrata para sa reserbang suplay ng kuryente.