Pinaghahanda na ang mga reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang dagdag pwersa sakaling kailanganin anumang oras sa hindi inaasahang sitwasyon.
Ito ang naging pahayag ni Col. Francel Padilla, tagapagsalita ng AFP.
Aniya, nasa 1.4 milyon ang kabuuang bilang ng mga reservist na anumang oras ay maaaring ipatawag o i-deploy.
Paliwanag pa ni Padilla, bagama’t marami ang bilang, kinakailangan pa rin na sumalang sila sa pagsasanay bago i-activate o i-deploy kapag dumating ang pagkakataon upang malaman ang mga gagawin.
Sinabi naman ni Retired Major General Peale Jon Bondoc, dating Commanding General ng Army Reserve Command o ARESCOM, nakalatag ang reserve forces ng bansa kung saan ide-deploy ang mga ito sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pananakop sa Pilipinas.
Sa ngayon, mayroong 90,000 na weekend warriors ang ARESCOM na nagsasagawa ng lingguhang formation at mga community mission na maaaring kunin kung kinakailangan ng bansa.