Makakapahinga na ang mga pulis sa Batangas na ilang araw nang halos walang tulog dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Idineploy na kasi ngayong umaga sa Batangas ang 1000 pulis na tutulong sa kanila para sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga residente sa lalawigan sa harap na mapanganib na pagaalburuto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Batangas Police Provincial Director Police Col. Edwin Quilates, inabisuhan na siya na 700 sa mga ito ay manggagaling sa Camp Crame habang ang 300 ay manggagaling naman sa Cavite Police Provincial Office.
Aniya, dadalhin ang mga pulis sa mga bayan na matinding tinamaan ng pagsabog ng Bulkan Taal.
Ang gagawin ay hahatiin ang mga Local Police at sila ay papalitan pansamantala ng mga darating na Augmentation Force.
Para naman makapagpahinga at maasikaso ang kanilang mga pamilya na biktima din ng Taal eruption.
Pagbalik ng mga nakapagpahingang pulis ay ang kalahati naman ng bilang ng mga local police ang magpapahinga.
Matatandaang sinabi ni PNP OIC Lt. Gen Archie Gamboa na may 2,000 silang mga kasapi ng Reactionary Standby Support Force o RSSF sa Kampo Crame na maaaring madeploy anumang oras.