Inirekomenda ni House Committee on National Defense and Security Chairman at Iloilo Rep. Raul Tupas sa gobyerno na gamitin ang pwersa ng mga reservists, merchant marines at security guards sa pagtulong bilang manpower sa paglaban sa COVID-19.
Nanawagan ang kongresista sa Inter-Agency Task Force (IATF), Department of National Defense (DND) at sa Department of Interior and Local Government (DILG) na gamitin bilang dagdag na pwersa ang mga reservists, marines at security guards na magbabantay at makakatulong para sa paghahatid ng tulong sa mga pamilya gayundin sa mga lugar na may mataas na Coronavirus cases.
Ayon kay Tupas, ang mga reservists ay maaaring atasan na umagapay sa mga LGUs partikular sa logistics, checkpoints, area containment at public affairs.
Maaari namang idagdag bilang activated reservists ang mga nagtapos ng merchant marine courses at mga employed o lisensyadong security guards na aalalay din sa mga naka-quarantine na lugar.
Tinukoy pa ng mambabatas na ang mga reservists, merchant marines at mga security guards ay dumaan sa pagsasanay na maaaring i-deploy ng pamahalaan para atasan na protektahan ang publiko laban sa virus.