Resettlement fund ng DILG para sa 2021, dapat ilipat sa Housing Department

Pinapalipat ni Senador Francis Tolentino sa bagong tatag na Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang ₱87.2-million na resettlement program funds na nasa ilalim ng panukalang 2021 budget ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Binigyang diin ni Tolentino kay DILG Sec. Eduardo Año na ang alokasyon para sa Resettlement Government Assistance Fund o RGAF ay may kinalaman sa pabahay kaya dapat ibigay bilang dagdag pondo sa kabubuo lamang na Housing Department.

Sa pagtalakay ng Senado sa proposed ₱243 bilyong budget ng DILG para sa 2021 ay ipinaliwanag ni Tolentino na hindi na kailangan ng DILG ang RGAF sapagkat mayroon ng ahensyang pormal na nakatutok lamang sa pabahay.


Sinang-ayunan naman ni Año sa panukala ni Tolentino, na siya ring Chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.

Pero giit ni Ańo, ang nasabing alokasyon ay hindi lamang para sa relokasyon, bagkus ay para din sa iba pang bagay na may kinalaman sa reporma sa pamamahala.

Bukod dito ay pinapalipat din ni Tolentino mula sa budget ng DILG patungong DHSUD ang mahigit sa ₱10 milyong pondo na nakalaan sa Muslim Resettlement Relocation Services Fund para sa mga napinsala ng digmaan sa Marawi City.

Facebook Comments