
Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr. na dadaan sa tamang proseso ang balasahan sa hanay ng matataas na opisyal ng Pambansang pulisya.
Ayon kay Nartatez kahit siya na ang pansamantalang namumuno sa PNP, iginiit nitong dapat pa ring sundin ang tamang pamamaraan upang matiyak na walang nalalabag na regulasyon sa pagtatalaga ng mga opisyal.
Ani Nartatez, kung sakaling may pagbabago sa pwesto ng mga opsiyal, dapat maging handa sila dahil walang permanente sa kanilang trabaho sapagkat prerogative ng pangulo ang kanilang posisyon.
Matatandaang, hindi sinunod ni dating PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay sa ipinatupad nitong balasahan noong August 14 kung saan ipinababalik bilang number 2 man o chief of administration si Nartatez kapalit ni PLt. Gen. Bernard Banac mula sa Area Police Command – Western Mindanao.
Kasunod nito, nilinaw rin ni Nartatez na maayos ang kanilang samahan ni Torre kahit na inilipat siya nito sa Mindanao.









