Hindi na ire-renew ng pamahalaan ng Saudi ang residence permit ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa tatlumpu’t limang mga skill category.
Ito ay bahagi ng Saudization o pagbabawas ng mga dayuhang manggagawa sa Saudi para mabigyan ng trabaho ang kanilang mga mamamayan.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, kabilang sa mga hindi na ire-renew ng Saudi ay ang pharmacist, security guard at mga trabahong opisina tulad ng human resource at administrative manager.
Bukod rito, nakatakda ring pauwiin na ng Saudi government ang mga manggagawang Pinoy na nasa edad 35 hanggang 54 taong gulang pero hindi pa malinaw kung saklaw nito ang lahat ng uri ng propesyon doon.
Tiniyak naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na handa nilang bigyan ng financial at livelihood assistance ang mga mawawalan ng trabaho bunsod ng Saudization.
Pinayuhan naman ng POEA ang mga Pinoy doon na huwag nang makipagsapalaran at illegal na manatili roon.