
Magpapakalat muli ng resident Ombudsmen ang Office of the Ombudsman sa ilang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian.
Kasunod na rin ito ng resulta ng survey ng OCTA research na bribery o panunuhol ang nakikita ng mayorya ng mga Pilipino bilang pinaka-karaniwang anyo ng korapsyon sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Asst. Ombudsman Mico Clavano na ire-recall muna ang mga nakakalat nilang resident Ombudsman at magkakaroon ng re- deployment at rotation.
Layun nitong maiwasan ang familiarity at mapanatili ang propesyunalismo.
Aniya, maaaring lapitan ng taumbayan ang resident Ombudsman upang isumbong ang makikitang katiwalian.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa Anti- Red Tape Authority upang higit na maging epektibo ang kanilang kampanya.
Tinukoy naman ni Clavano ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Custom at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang ahensya ng pamahalaan na lalagyan nila ng mga tauhan.
Hindi pa naman maisasama sa ngayon ang mga Local Government Unit (LGU) at uunahin muna ang vulnerable agencies ng pamahalaan.










