Aabot sa 20 bahay ang tinatayang natupok sa nangyaring sunog na sumiklab sa residential area sa Barangay 753, San Andres, Maynila.
Ayon sa kapitan ng barangay na si Rommel Bernardo na kabilang din sa mga nasunugan, naiwang kandila ang posibleng dahilan ng sunog.
Aniya, nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng katabi nilang bahay na gawa sa light materials ng alas-5:11 ng umaga.
Mabilis na kumalat ang apoy kung saan umabot ito sa ikalawang alarma.
Naging pahirapan ang pag-apula ng apoy dahil sa mga live wire, kung saan may ilang na-ground habang rumeresponde at makipot din ang daan papasok sa pinangyarihan ng sunog.
Nasa 20 hanggang 30 pamilya ang tinatayang nawalan ng bahay sa sunog at karamihan sa kanila ay walang naisalbang gamit.
Idineklarang fire out ang sunog bandang 6:54 ng umaga at wala namang naiulat na injury o namatay habang iniimbestigahan pa rin ang sanhi at kabuuang halaga ng pinsala ng sunog.