Hindi muna tatanggapin ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang courtesy resignation ni Quezon City Police District (QCPD) Chief Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Ayon kay Acorda, kaniya munang pag-aaralan ang pagbibitiw ni Torre at ikokonsulta kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., at QC Mayor Joy Belmonte.
Ani Acorda, ‘delicadeza’ ang ginawa ni Torre at makokonsidera itong magandang gesture.
Kasunod nito, kanyang sinabi na may merito ang katwiran ni Torre na magbitiw sa pwesto para hindi na mabalot ng kontrobersiya ang PNP.
Samantala, sinabi pa ni Acorda na kaya hindi pa nya tinatanggap ang resignation ni Torre ay dahil sa marami nitong accomplishments.
Nabatid na nagpasa ng courtesy resignation si Torre matapos mapuna ng publiko ang tila pag aabugado nito kay Wilfredo Gonzales na dating pulis na nagtrending sa social media dahil sa pananakit at pagkasa ng baril sa isang siklista sa QC kamakailan.