Hindi tinanggap ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbibitiw ni traffic czar Ariel Inton na inireklamo sa pagbasag ng salamin ng kotse sa kasagsagan ng road clearing operation.
Kasabay nito, sinibak sa serbisyo ang miyembro ng Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management na si Danilo Usi na nanapak ng motorista sa may Scout Chuatoco Street, Quezon City.
Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operation Division ng Task Force for Transport and Traffic Management ng Quezon City, hindi kukunsintihin ng lokal na pamahalaan ang ganitong pag-uugali ng isang public servant.
Una nang nag-viral sa social media ang reklamo ni Zaldy Eugenio sa ginawang pananapak sa kanya ni Usi nang magtagal siya sa pagpapalit ng na-flat na gulong sa may Scout Chuatoco Street sa Quezon City.
Ani Eugenio, pinilit naman niyang itabi ang sasakyan para hindi makaabala sa kalsada pero kinausap siya ni Usi at tinanong kung gaano katagal bago matapos sa pagpapalit ng gulong.