Hinimok ni Senator Risa Hontiveros si resigned Sugar Regulatory Administration (SRA) Chief David Thaddeus Alba na sabihin na ang lahat ng katotohanan tungkol sa mga kwestyunableng importasyon ng asukal.
Naunang kinumpirma nitong March 24 ng Presidential Communications Office (PCO) na nagbitiw na si Alba sa pwesto sa kadahilanang lumalala ang kanyang kalusugan.
Duda si Hontiveros na posibleng nag-resign si Alba sa posisyon dahil nakita nitong ginagawang ‘rubber stamp’ lang ng gobyerno ang SRA para gawing lehitimo ang pagpabor sa tatlong traders ng asukal na sinasabing paborito ng Department of Agriculture (DA).
Batid din aniya na sa kabila ng mga pressure ng DA ay hindi lumagda si Alba sa Sugar Release Order para sa mga smuggled na asukal na hanggang ngayon ay nakaipit pa rin sa Batangas.
Pinuri ni Hontiveros si Alba sa prinsipyong pinanghahawakan nito sa kanyang posisyon.
Dahil dito, hinihikayat ni Hontiveros si dating Administrator Alba na lumantad at magsalita na tungkol sa katotohanan sa sugar importation.
Hinihimok din ng senadora maging ang ibang opisyal na may nalalamang impormasyon na magsalita na rin.
Sa huli, muling umapela si Hontiveros sa palasyo na palakasin ang ‘value chain’ ng agricultural development at huwag ang ‘value chain’ ng korapsyon.