Resolusyon na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong Bise Presidente sa 2022, “draft” lamang ayon sa isang House leader

Binigyang linaw ni House Deputy Speaker Eric Martinez na “draft” lamang ang kumakalat na resolusyon ng PDP-LABAN na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong Vice President sa 2022 election.

Ang paglilinaw ay kaugnay na rin sa isinagawang hiwalay na press conference ngayong araw ni PDP-Laban Acting Chairman at Sen. Manny Pacquiao, kung saan sinabi nito na hindi otorisado ang naturang resolusyon.

Agad namang ipinaliwanag ni Martinez na hindi pa raw pinal ang resolusyon.


Inaasahan pa aniya na magkakaroon sila ng pormal na assembly at sama-samang pag-uusapan kung sinu-sino ang tatakbo sa halalan sa susunod na taon.

Nauna nang sinabi ni Martinez, na marami-rami nang miyembro nila ang lumagda sa resolusyon.

Dagdag ni Martinez, alam ng PDP-Laban high ranking officials na sina Energy Sec. Alfonso Cusi at Sen. Koko Pimentel ang naganap kamakailan na maliit na pulong ng mga miyembro kung saan dito rin natalakay ang resolusyon.

Facebook Comments