Inaprubahan ngayon ng mga senador ang isang resolusyon na humihikayat kay Pangulong Rodigo Duterte na bawiin ang inilabas nitong Executive Order (E.O) number 128.
Itinatakda ng nabanggit na EO na itaas sa 404,000 metriko tonelada ang kasalukuyang 54,000 na metriko tonelada na aangkating pork products habang ibinababa ang taripa na ipinapataw rito sa 5 hanggang 15% mula sa kasalukuyang 30 hanggang 40%.
Ang resolusyon ay inaprubahan ng Senate Committee of the Whole na nagsasagawa ng pagdinig ukol sa African Swine Fever (ASF) sa pamumuno ni Senate President Tito Sotto III.
Iginiit sa resolusyon na papatayin ng EO 128 ang local hog industry lalo’t bigo rin ang Department of Agriculture (DA) na patunayang kakapusin ng suplay ng karne ng baboy ang bansa.
Si SP Sotto ang nagmungkahi na aprubahan ang resolusyon na inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kasama sina Senators Nancy Binay, Pia Cayetano, Leila De Lima, Risa Hontiveros, Lito Lapid, Ping Lacson, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Koko Pimentel, Grace Poe, Ralph Recto, Bong Revilla, Joel Villanueva, Cynthia Villar at Migz Zubiri habang sumuporta rin sina Senators Sonny Angara at Richard Gordon.
Sinabi ni Drilon na kapag hindi tinugon ng Pangulo ang kanilang resolusyon ay magsusulong sila ng panukalang batas na magpapawalang-bisa sa EO 128.