Resolusyon na humihiling na itaas ang minimum access volume ng mga inaangkat na karneng baboy, isinumite na sa Malakanyang

Isinumite na ng Department of Agriculture (DA) sa Malakanyang ang resolusyon para itaas na ang volume ng iaangkat na karneng baboy ngayong taon.

Sa joint hearing ng Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar na isinumite na nila sa Palasyo ang resolusyon para itaas sa 404,210 metric tons ang Minimum Access Volume (MAV) ng i-import na karneng baboy mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons.

Salig na rin sa Republic Act 8178, may kapangyarihan ang Pangulo na magpanukala sa Kongreso ng revisions, modifications o adjustment sa MAV tuwing may kakulangan o abnormal na pagtaas sa presyo ng mga agricultural products.


Naniniwala ang kalihim na ito ang tugon sa kakulangan ng suplay at mataas na presyo ng karneng baboy sa pamilihan.

Ayon kay Dar, pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maipatupad ito.

Samantala, isinasapinal pa naman sa ngayon ng Philippine Tariff Commission ang kanilang report sa proposal na ibaba ang ipinapataw na taripa para sa mga imported meat products sa loob ng isang taon.

Facebook Comments