Tinalakay na ng Senado ang resolusyon na nananawagan sa administrasyong Marcos sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-sponsor ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) na tawagin ang pansin ng China na tigilan na ang pangha-harass sa ating mga mangingisda at mga awtoridad na nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).
Sa sponsorship speech ni Senator Risa Hontiveros, ang may-akda ng Senate Resolution 659, sinabi ng senadora na ang patuloy na panghihimasok ng Chinese vessels sa West Philippine Sea ay pagbangga sa soberenya ng bansa, integridad ng maritime zones at karapatan ng mga mamamayan.
Pinawi ni Hontiveros ang pangamba ng marami kung kaya ba ng bansa na tumindig laban sa China at aniya bilang halal ng taumbayan ay dinadala natin ang pag-asa, pangarap, at pagnanais.
Binigyang diin ng senadora na bilang mga mambabatas ay tinitingala tayo ng mga Pilipino para ipagtanggol ang ating sariling bayan at ang kanilang kinabukasan.
Sinuportahan nila Senate President Juan Miguel Zubiri, Senator Jinggoy Estrada at Senator Raffy Tulfo ang resolusyon na ito ni Hontiveros.
Ayon kay Zubiri, co-sponsor ng resolusyon, kapag iniakyat sa UN General Assembly ang isyu ay pagtitibayin nito ang suporta mula sa international community para sa soberenya ng bansa at pag-pressure sa China na alisin na ang kanilang military at polictical activity sa labas ng ating exclusive economic zone.
Sinabi naman ni Estrada na bilang pakikiisa kay Senator Hontiveros, ay tatawid siya ng political party lines para tumindig sa ating pambansang interes sa ating teritoryo at tiwala rin siya sa pabor na pagtugon dito ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Binigyang diin naman ni Tulfo na ang harassment ng China sa WPS ay dapat matigil ngayon na kasabay ng apela nito sa pamahalaan na kumilos at mag-effort nang husto para matiyak na kikilalanin ng China ang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapanig sa karapatan ng bansa sa pinag-aagawang WPS.