
Pinagtibay ng Senado ang resolusyon na nagbabalik sa taripa ng imported na bigas sa 35% mula sa kasalukuyang 15%.
Nakasaad sa inaprubahang Senate Resolution 29 na iniakda nina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senator Kiko Pangilinan na kailangan nang ibalik sa dati ang antas ng taripa upang mapalaki ang pampondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na pantulong sa local rice production at sa 3.4 million na mga magsasaka.
Ito rin anila ang panawagan ng mga magsasaka dahil hindi naman nakamit ang mithiin ng mas mababang taripa na pagpapababa ng presyo ng bigas.
Naunang sinabi ni Pangilinan na kailangan na ring magtaas ng taripa dahil matatapos na ang 60 araw na ban sa importasyon ng bigas kaya asahang babaha muli ng imported rice sa bansa at mahihirapan naman ang lokal na produksyon ng mga magsasaka.
Matatandaang sa bisa ng EO 62 ng pangulo ay ibinaba sa 15% mula sa 35% ang taripa sa imported rice sa layuning maibaba ang presyo ng bigas sa lokal na merkado.









