Inaprubahan ng Senado ang resolusyon na nagbibigay pagkilala sa mga nakamit na tagumpay sa iba’t ibang international athletics competitions ng Pinoy Gymnast na si Carlos Edriel Yulo.
Sa Senate Resolution 458 na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay itinuturing si Yulo na “Best Gymnast” ng Pilipinas.
Nakasaad sa resolusyon ang papuri kay Yulo sa patuloy nito na pagbibigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng paghahakot ng mga medalya sa mga kompetisyong sinasalihan at sa patuloy na pagwagayway nito sa bandila ng Pilipinas.
Si Yulo ang kauna-unahang Filipino gymnast at unang Southeast Asian Male World Champion sa Men’s Floor Exercise event ng 2019 World Artistics Gymnastics Championship.
Nakasungkit din ng dalawang ginto at limang silver medals si Yulo sa 2019 Southeast Asian Games at gintong medalya naman para sa Men’s Vault Category sa 2019 World Artistics Gymnastics Championship.
Noong nakaraang taon, tinapos ni Yulo ang 2022 Southeast Asian Games na may limang gold medals habang gold, silver at bronze medals sa iba’t ibang kategorya sa 55th Annual All-Japan Seniors Championship at silver at bronze medals naman sa 2022 World Gymnastics Championships sa UK.