Resolusyon na lilikha ng mga DFA consular office sa ilang bahagi ng bansa, pinagtibay sa Kamara

Pinagtibay na ng Committee on Foreign Affairs na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Ma. Rachel Arenas, ang resolusyon na humihimok sa Department of Foreign Affairs o DFA na magtatag ng regional consular offices sa mga lugar sa bansa na tinukoy ng mga mambabatas.

Ayon kay Arenas, tugon ito sa daing ng mga Pilipino na hirap maka-access sa mga pangunahing serbisyo ng gobyerno dahil bukod sa sobrang mahal ay nakakakonsumo rin ito ng mahabang oras dahil malayo sa kanilang lugar ang mga tanggapan.

Sabi ni Arenas, layunin ng resolusyon na ilapit sa mamamayan ang frontline services ng DFA.


Bukod dito ay inaprubahan din ng komite ang paglikha ng Technical Working Group o TWG upang mas higit pang talakayin ang mga panukala na naglalayong ayusin ang buwanang pensyon at mga disability benefits ng mga nagreretirong kawani ng DFA.

Diin ni Arenas, mahalaga ang mga panukala para masuklian ang pagtupad sa tungkulin ng mga nagreretirong kawani ng DFA.

Kabilang aniya rito ang pagiging mga pangunahing ahente sa pagsusulong ng mga interes ng Pilipinas, pagsasaayos ng ugnayang panglabas, at ang pinakamahalaga ay ang pagbibigay proteksyon sa mga kababayang naninirahan at nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Facebook Comments