Sa boto ng 21 mga senador kung saan walang komontra ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Joint Resolution No. 8.
Inaatasan nito ang Department of Social Welfare and Development o DSWD at mga lokal na pamahalaan na bumili ng palay sa mga lokal na magsasaka.
Bunsod nito ay bigas sa halip na 600-pesos na cash ang ipagkakaloob sa mga benepisaryo ng rice subsidy program sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, Chairpeson ng Committee on Agriculture and Food, layunin ng resolusyon na matulungan ang mga magsasaka ngayong bagsak ang presyo ng palay dahil sa pagbaha ng imported na bigas bunga ng implementasyon ng Rice Tariffication Law.
Sa ilalim ng 2019 national budget ay nasa 33.9-billion pesos ang total allocation para sa rice subsidies kung saan 6.97-billion pesos ng hindi pa nagagastos.